College boy tinarakan sa love triangle

Isang 19-anyos na la­laking estudyante ang nagpapagaling ngayon sa ospital matapos na pagsasaksakin ng tatlong kalalakihan kabilang ang ex ng girlfriend nito sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Rodney Opena, 19, nasa unang taon sa kolehiyo at residente ng Maderazo Street, Tata­lon, Barangay Ugong ng nasabi ring lungsod.

Nakilala naman ang tatlong suspek na sina Ronaldo Aquino, 22, Mark John Pagdingalan 26 at Jaisar Bautista, 21 na umano ay dating kinakasama ng kasalukuyang nobya ni Opena na pawang mga re­sidente ng Cuadra Street ng nasabi ring lugar.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, ganap na alas-8:30 ng maganap ang insidente sa NPC Road ng nasabi ring lugar. Nagkasalubong umano ang mga suspek at biktima at bigla na lamang nagkasagutan.

Dahil dating karelasyon ng isa sa mga suspek ang nobya ni Opena, bigla nalang na nagsibunot ng patalim ang mga suspek at pinagsasaksak ang biktima.

Nakatakbo parin ng biktima at nakahingi ng saklolo sa mga concerned citizen kaya nadala ito sa Valenzue­la City Medical Center.

Nagsitakas naman ang mga suspek na nasakote rin sa follow-up operation.