Kinontra ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao ang mungkahi ng Constitutional Commission (Con-Com) na dapat ay may college diploma o mga nagtapos lamang sa kolehiyo ang may karapatan na maging senador at kongresista.
Iginiit ni Casilao na anti-democratic at anti-poor ang naturang suhestiyon.
“It will disenfranchise the poor from even aspiring to become candidates, from having a chance to run in any election and for any government post. The proposal will ensure that the poor in this country will not have any elected representative in the government coming from their ranks,” pangangatwiran ng Anakpawis solon.
Binigyang-diin nito na hindi dapat maging balakid ang educational background sa mga nangangarap na makapaglingkod sa bayan.
Inihalimbawa ng solon sina Crispin ‘Ka Bel’ Beltran at Rafael ‘Ka Paeng’ Mariano na kapwa nagmula sa hanay ng maralita at masang anakpawis pero tapat at mahusay na nakapaglingkod sa kapwa.
Sinabi pa ni Casilao na ang pagkakaroon ng college degree ay hindi nangangahulugan na ang isang public servant ay talagang magiging tapat at ‘morally straight’.
Sa katunayan may mga sikat na pangalan pa aniya sa pulitika na sandamukal ang college degree at nag-aral pa sa ibang bansa pero nangunguna rin ang mga ito sa mga nakakaladkad sa iregularidad at katiwalian sa gobyerno.
“We urged the Con-Com not to close the door to ordinary, poor and property-challenged Filipinos who want to serve the country on their capacity. The proposal of the Con-Com is manifestly anti-democratic. Clearly, it violates the basic rights of every Filipino who aspires to serve the people,” pagtatapos ni Casilao.