Hindi lamang visual ang epekto ng mga kulay sa atin. Katunayan niyan ang pagkakaugnay ng ilang kulay sa ilang moods na nararamdaman natin. Kapag isinaalang-alang ito, mabibigyan tayo nito ng gabay sa kung papaano magagamit ang kulay sa pagbibigay ng bagong sigla sa ating mga kabahayan. Sumusunod ang ilang mga suggested colors para sa home interiors at mga epekto nito sa ating mood.
• Red – Sinasabing ang paggamit ng kulay pula sa interior ng bahay ay nakakapagpasigla sa mood ng mga taong nasa silid kung saan ito nakalagay. Mainam itong gawing theme sa mga living room kung saan nakaka-stimulate ito ng conversation maging sa dining room kung saan sinasabing nakakagana sa pagkain ang kulay na ito.
• Purple – Matagal nang iniuugnay ang purple sa mga dugong bughaw (royalty) kaya naman madalas itong ginagamit para pasosyalin ang hitsura ng home interior. Pero ingat-ingat naman sa paggamit ng kulay na ito sa mga silid-tulugan dahil ang purple ‘di umano ay nakakapag-simulate ng left hemisphere ng ating utak na siyang responsable sa pagiging malikhain. Mahihirapan lang na matulog ang tao sa silid-tulugang ganito ang kulay ng pader.
• Green – Maaliwalas at nakaka-relax ang paggamit ng berde bilang color theme dahil nakapagpapaalala ito ng mga sariwang halaman at mga puno. Sinasabing magandang kulay ito sa mga bedroom at banyo kunsaan karaniwang nagpapahinga lamang ang mga taong lumalagi rito.
Sa pamamagitan ng mga nabanggit, magagawa mo nang kakampi ang mga kulay sa pagpapaganda ng loob ng bahay. Feeling ‘achieve’ sa pagpapaganda ng interior, feeling ‘in the right mood’ naman sa bawat sulok ng tahanan.