Columbian Dyip tuloy ang biyahe

TIGIL ang PBA, pero hindi puwedeng igarahe na lang basta ang mga piyesa ng Columbian Dyip.

Kahit walang laro at bawal ang maramihan o sabay-sabay na ensayo sa mga gym dahil sa coronavirus, tuloy ang pagpapakondisyon ng players ni coach Johnedel Cardel.

Mula nang kanselahin ang Philippine Cup noong March 11, hindi natigil ang workout ng Dyip.

Sa bahay-bahay lang, katalo na.

Nagkakakitaan sila sa Zoom app, video call para ma-monitor ang workout.

“We divided the team into two groups, with one working out in the morning and the other in the afternoon,” pahayag ni Columbian governor Bobby Rosales. “We encourage our guys to have their individual training to make sure these guys are fit once the league resumes play.”

Matagal-tagal pa bago bumalik ang PBA, nagkasunod ang Board na mag-meeting sa August para i-assess ang sitwasyon. Itutuloy ang liga kapag wala nang banta ng COVID-19, pero hindi nawawala ang posibilidad na tuluyan nang kanselahin ang Season 45 na nakakaisang laro pa lang – sa opening night noong March 8.

Si trainer Rock Avenido ang nangangasiwa sa pagpapakondisyon ng Dyip, sumasali rin sa aktibidad ang coaching staff.

“Coach Johnedel Cardel and his staff monitor the workouts and they also participate,” dagdag ni Rosales. (VE)