Laro ngayon (MOA Arena)
3:30 p.m. — DLSU vs. Ateneo (Game 1, Finals)

Ginalusan ng Ateneo ang malinis na karta ng De La Salle sa elimination round pero para kay Blue ­Eagles coach Tab Baldwin ay sila pa rin ang underdogs.

Muling maghahalo ang Green at Blue sa loob ng Mall of Asia Arena pagsalpok ng title-favorite ­Archers at Eagles sa Game 1 ng kanilang best-of-three Finals ng Season LXXIX UAAP Season men’s basketball tournament ngayong araw.

Ayon kay Baldwin kahit dehado sila, ibubuhos nila ang lahat ng lakas mapatunayan lang na karapat-dapat silang maging challenger ng No. 1 seed DLSU.

“If they don’t see that we’re the underdogs, they’re blind. We are the prohibitive underdogs,” saad ni Baldwin.

Inamin ng American-Kiwi coach, may kum­piyansa ang kanyang koponan dahil natalo nila ang La Salle sa elims.

“But I think we have some momentum that we take from having beaten them once,” ani Baldwin.

Napigil ang 14-game sweep ng Green Archers nang kaldagin ng Blue Eagles, 71-83, sa second round.

Sa Round 1, nanaig ang DLSU sa Ateneo, 97-81.

Ngayong taya na ang lahat, combat-ready na ang magkaribal. Kumpleto sa armas, nagsanay at naghasa, naglatag ng estratehiya.

Si La Salle coach Aldin Ayo, pinagpraktis pa ang Archers pagkatapos sipain ng Ateneo ang defending champion FEU sa do-or-die semis noong ­Miyerkules.

Alam na noon ng Archers kung sino ang makakatapat sa Finals, kaya pinaghandaan nila.