Nag-tweet kamakalawa ng umaga si professional boxing promoter Bob Arum ng Top Rank, Inc. na magsasadya siya sa Pilipinas sa susunod na linggo para makipagsara ng usapan sa susunod na laban ni dating eight-division world champion at ngayo’y Sen. Manny Pacquiao.
Binoykot ang mga usapin sa sport sa mga reporter na kumober ng Terence Crawford ng Estados Unidos-Viktor Postol ng Ukraine fight noong Hulyo 23 sa Las Vegas, Nevada, malamang na magbigay ng dalawang options ang Amerikano kay Pacquiao sa pagbabalik-ring nito sa Nobyembre 5.
Dalawa ang nais isabong ni Arum kay Pacman, sinuman kay Crawford at Kano ring si Jessie Vargas, na mga nasa ilalim din ng kanyang Top Rank.
Si Vargas, ayon sa mga multiple sources na may utak sa mga negosasyon, ang front-runner para makaumbagan ng Pinoy ring icon dahil sa ito ang gusto ni Freddie Roach, ang trainer ni Pacquiao, na hayagang nagsabi na ayaw niyang si Crawford ang makaharap sa susunod na laban ng kanyang ward, dahil sa istilo ng Amerikanong ‘younger version’ umano ni Floyd Mayweather Jr.
Gayunpaman, may mga nagsasabing si Crawford ang haharapin ng Pambansang Kamao bilang paghahanda niya sakaling matuloy ang negosasyon para sa rematch nila ni Mayweather.
Bumagsak na ang mga usapan para kina Adrien Broner at Danny Garcia, parehong non-Top Rank boxers, ayon Al Haymon.
Lilipad sana ang World Boxing Organization welterweight champion na si Vargas (27-1, 10 KOs) sa London para makaupakan si International Boxing federation147-pound champ Kell Brook ng England sa Setyembre 3 o 10.
Pero mabibigo ang labanan kapag tinanguan ni Brook (36-0, 25 KOs) ang hamon ni IBF/World Boxing Council/World Boxing Association middleweight champion Gennady Golovkin ng Kazakhstan (35-0, 32 KOs) sa Set. 10 sa London.
Kadodomina lang ni Crawford kay Postol (28-1, 12 KOs) sa kanilang140-pound championship unification fight may siyam na araw pa lamang ang nakalilipas.
Si Pacquiao, na abala ngayon sa kanyang trabaho bilang bagong halal na senador, ay huling sumabak noong Abril at nanalo ng UD kay Tim Bradley sa Las Vegas.