Comelec boluntaryo nang nagsulong ng 95 petisyon vs hinihinalang nuisance candidates

Aabot na sa 95 ang mga petisyon na isinulong ng Commission on Elections (Comelec) laban sa mga posibleng ‘nuisance’ o panggulong kandidato para sa 2019 mid-term elections.

Ang kaso ay inihain “motu proprio” o boluntar­yong isinampa sa Comelec Law Department.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, aabot naman sa 78 ang mga petisyon na inihain ng mga pribadong indibidwal na humihi­ling na patawan ng disqualification o kanselahin ang certifi­cate of candidacy ng ilang nagnanais na kumandidato.

Magsisimula umano ang proseso ng pagdinig sa oras na mai-raffle na ang kaso.

“After the raffle, the Division will issue summons calling the parties to a conference where they will be ordered to submit a position paper and after, to submit a memoranda to the ponente,” paliwanag ni Jimenez.

Dagdag pa niya, tinatayang aabot sa 30 araw ang pagresolba sa isang kaso pero ito ay nakadepende pa rin sa mga isyung kailangang resolbahin.

Sa ilalim ng Section 69 ng Omnibus Election Code, itinuturing na panggulo ang isang kandidato kung layunin nitong hiyain ang proseso ng eleksyon sa bansa o magdulot ng kalituhan sa mga botante.