Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Sabado na magpapaluwal muna sila sa gagastusin sa pagpapadala ng mga balota para sa mga Pilipino na rehistradong overseas absentee voter.
Ito’y habang wala pang ibinibigay na pondo ang Commission on Elections (Comelec) para sa postage fee o sa pagbili ng mga stamp at gastos sa pagpapadala ng balota sa pamamagitan ng koreo.
Nabatid na naantala ang Comelec sa pagre-remit ng pondo sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa postage fee dahil na rin sa natagalan na pagsasabatas ng 2019 national budget.
Tiniyak naman ng DFA na kumikilos ito at ang mga foreign service post o ang mga embahada at konsulado para maipadala ang mga balota at makasiguro na walang overseas voter na mapagkakaitan ng kanilang karapatang bumoto.
Hinihikayat naman ng DFA ang hindi pa nakatatanggap ng balota na makipag-ugnayan sa foreign service post na mananatiing bukas ng Sabado o Linggo para sa mga overseas voter.
Ayon sa DFA, batay sa batas ang mga Pilipino na kuwalipikado bilang overseas voter ay maaaring bumoto sa embahada at konsulado o kaya’y padadalhan ng balota.
Tiniyak din ng DFA na magiging matiwasay ang ginaganap na overseas voting para sa mga OFW. (Armida Rico)