Inatasan ng Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) ang Commission on Elections (Comelec) na tumugon sa inihaing mosyon ni Vice President Leni Robredo sa usapin hinggil sa materyales na ginamit sa nakaraang 2016 national elections.

Inihain ni Robredo ang manifestation sa PET noong Abril 7, inilista nito ang kanyang mga katanungan na dapat sagutin ng Comelec sa loob ng 10-araw mula sa pagtanggap ng receipt of notice.

Inusisa ng bise presidente ang sertipikasyon sa consolidation and canvassing system (CCS) USB tokens na nag-expire at ang iba pang datos na nakalagay sa CCS laptops ay maapektuhan.

Tinanong din ni Robredo kung magkano ang nagastos ng Comelec sa upa sa warehouse at ang timetable sa paggamit ng CCS laptops ng poll body.

Sa panig naman ni Comelec Chairman Andres Bautista, sinabi nitong agad itong tutugon sa resolusyon ng PET.

Ayon sa Comelec, nagsimula ang pagtanggal ng hindi nagamit na CCS kits at ng SD cards noong Marso 27 sa warehouse ng ahensya sa Sta. Rosa City, Laguna.