Pormal na lumagda sa isang kasunduan ang Commission on Elections (Comelec), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para tiyaking magiging maayos, mapayapa at malinis ang idaraos na Bangsamoro Organic Law plebiscite sa Enero 21 at Pebrero 6 gayundin ang national at local elections sa Mayo sa susunod na taon.
Idinaos kahapon ng umaga ang pagpapatibay sa memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng tatlong ahensya na nilagdaan nina Comelec Commissioner Al A. Parreño, ang Commissioner in Charge (CIC) sa #BangsamoroPlebiscite at pinuno ng #NLE2019 Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (CBFSP), PNP director general Oscar Albayalde at AFP Lt. Gen. Benjamin Madrigal, Jr.
Nangako sina Albayalde at Madrigal na gagawin nila ang lahat upang matiyak ang seguridad, kaayusan at katahimikan sa pagdaraos ng plebisito at eleksyon sa darating na taon pati na rin ang kaligtasan ng lahat sa panahon ng kampanya.
Ang PNP at AFP ay itinalaga o deputized agents ng Comelec bilang mga pangunahing puwersa sa seguridad, katahimikan at kaayusan sa pagdaraos ng nasabing mga electoral exercises.
Kabilang sa masusing pinag-usapan ng Comelec, AFP at PNP ay ang mahigpit na pagpapatupad ng gun ban. (Mia Billones)