Hinamon ng Commission on Elections (Comelec) si Cotobato City Mayor Cynthi Guiani-Sayadi na patunayan ang sinasabi nitong nangyaring malawakang dayaan sa idinaos na plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Sinabi ni Comelec spokesperson na kailangan ay may ebidensya si Sayadi sa kanyang akusasyon para maresolba ito ng poll body at hindi puro ngakngak lang.
Pinabulaanan din ni Jimenez ang pahayag ni Sayadi na mas maraming mga flying voter ang bumoto sa Cotobato City dahil imposibleng umabot sa 85% ang mga lumahok sa plebisito.
“Hindi naman po ganun karami ang bumoto sa Cotobato City, in fact ang tala natin is 54 percent lamang ang bumoto. That’s actually lower than the regional average,” ani Jimenez sabay sa paghamon sa alkalde na ilabas ang kanyang data para ikumpara sa hawak ng poll body.
Dagdag niya, hindi makakaboto ang flying voter kung wala ang pangalan nito sa Election Day Computerized Voters List.