Sa kabila ng namumuong pagpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa buwan ng Oktubre ay patuloy ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, nag-iimprenta pa rin ng mga balota sa National Printing Office (NPO) at inaasahang tatagal ito ng dalawang buwan.
Sinasabing aabot sa 85 milyon ang kailangang ilimbag ng poll body para sa 80 probinsya at mga lungsod sa buong bansa.
Paliwanag ni Bautista, hindi naman masasayang ang printed ballots dahil magagamit pa rin ito kung sa susunod na taon ang magiging eleksyon.
Gagamitin din umano ng poll body ang dagdag na panahon para makapaghanda kung maisasapinal ang election postponement.