Aminado ang liderato ng Philippine National Police (PNP) na nalusutan ang kapulisan kaya nangyari ang dalawang beses na pagsabog sa Quiapo, Maynila na ikinamatay ng dalawa katao at pagkasugat ng anim pa.

Dahil wala nang lusot sa nangyaring trahedya ay sinabi ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na wala na silang pupuwedeng gamiting dahilan sa nangyaring pagsabog.

“Sorry, may sumabog. Hindi kami naghahanap ng alibi. I am very sorry about that.”

Ang bahagi ng paliwanag ni Dela Rosa kaugnay sa nangyaring magkasunod na pagsabog sa loob lamang ng isang gabi.

Ang naipangako na lamang ng pinuno ng PNP ay tinitingnan na nila ang lahat ng anggulo sa nasabing pagsabog.

Hayagan ding inamin ng PNP na malaking pagkukulang sa kanilang hanay ang nangyari kaya handa nilang tanggapin ang anumang batikos ng mga kritiko.

Pero sa kabila ng aminadong pagkukulang kaya nangyari ang pagsabog, ang nakakalungkot dito ay walang paggulong ng ulo ng mga opisyal na ipinatupad ang liderato ng PNP.

Walang pinanagot na opis­yal ang PNP sa nangyaring kapalpakan sa seguridad kaya nakalusot ang masasamang-loob na naghasik ng kaguluhan sa Quiapo.

Ang sa amin, personal man o hindi ang ugat ng nangyaring pagsabog dapat ay binibigyan ng leksyon ang mga pinuno dahil hindi ito magandang ehemplo sa iba pang mga opisyal ng mga kapulisan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Tungkulin ng bawat opisyal ng kapulisan na bantayan ang kanilang nasasakupan kaya anuman ang pinagmulan ng isang krimen, dapat ay may pananagutan ang isang pinuno dahil bahagi ito ng kanilang responsibilidad.