Matapos ang ilang taong hindi pagkakaintindihan, matutuloy na ang pagpapatayo ng “common station” na magdudugtong sa Metro Rail Transit (MRT) 3, Light Rail Transit (LRT) 1 at maging ang itinatayo pa lamang na MRT-7.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa pagharap nito sa Kamara para idepensa ang P55.4 bilyong pondo ng kanyang tanggapan sa susunod na taon.

“We’ve met separately and collectively with all these stakeholders. We had a meeting yesterday [Huwebes], all the heads of the stakeholders, including (Ayala Corp. Chairman Jaime Zobel De) Ayala, (San Miguel Corp. President) Ramon Ang, businessman Manny V. Pangilinan and (SM Investment Corp. Vice Chairman Teresita) Sy-Coson,” ani Tugade.

Nagkasundo na umano ang mga ito na dapat pagdugtungin na ang mga tatlong nabanggit na tren upang hindi mahirapan ang mga commuter. Itatayo ang common station sa pagitan ng SM North Edsa at Ayala Trinoma sa Edsa, Quezon City.

“In our first early days, this was one of our priorities to put meaning and life to that one single station. On September 28, we will again meet to address a technical issue. Basically, this involve whether it will be an overpass or underpass. We’ll talk again with the Public Works and their (private companies) technical people ,” dagdag pa ni Tugade.