Compton tiwala sa Alaska

Pinabulaanan ni Alex Compton ang lumabas na report na siya’y sinibak ­bilang head coach ng ­Alaska hindi pa man nagsisimula ang 2019 PBA ­Philippine Cup.

Nasa bansa na muli si Compton bago ang laban ng Aces kontra sa Rain or Shine Elasto Painters kagabi kung saan natalo sila, 85-72, at hindi nagpatumpik-tumpik na sagutin ang isyu na bumalot habang wala siya sa ‘Pinas.

Ayon kay Compton, kinailangan niyang ipagpaliban ang pagko-coach sa Alaska sa offseason dahil sa ‘personal matter’ na patungkol sa kanyang pamilya.

“I had to leave and do something incredibly important and I’m blessed to work for this organization. I don’t know a lot of employers that would really live out the idea that we are a set of family first,” pakli ng Aces mentor.

Hindi umano siya kinakabahan na matanggal sa puwesto, na lumakas ang ugong matapos matalo kontra sa Magnolia Hotshots sa 2018 PBA Governor’s Cup finals para itarak ang 0-5 record sa finals.

“The biggest thing is knowing how Fred (Uytengsu) is and how he is. He is the type of guy I can, with heartful of faith, say that if that time comes, and when that time comes, he will sit with me, look me in the eye, and tell me,” sambit pa nito.

Nagpapasalamat din siya sa Alaska management sa pagpayag na asikasuhin muna niya ang kanyang pamilya at mismong si Alaska Aces owner Uytengsu pa ang nagrekomendang lumiban muna sa ensayo.

Pansamantalang coach ngayon ng Alaska si Jeff Cariaso at hindi pa tukoy kung magbabalik na si Compton sa kanilang sunod na laro sa February13 kontra sa Blackwater Elite.