Computer technician pinatay ng tandem

Pinasok sa loob ng bahay saka pinagbabaril ng riding in tandem ang isang computer technician sa Quezon City, Sabado ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Jonathan Cuya Carlet, 38, binata, computer technician at naninirahan sa Purok 19, Barangay Commonwealth, Quezon City.

Sa inisyal na ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang insidente ay naganap alas-kwatro ng hapon sa loob mismo ng tahanan ng biktima.

Batay sa pahayag ng kapatid ng biktima na si Albert, nagpapahinga siya sa kaniyang kuwarto nang makarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril na tila sa loob lamang ng kanilang tahanan.

Agad umanong lumabas ng silid si Albert at nang makita siya ng kapatid na noon ay duguan ay tumakbo sa kaniya subalit hinabol pa rin ng mga suspek at muling pinaputukan ng baril.

Nang matiyak na wala nang buhay ang target ay agad na tumakas ang ‘di pa nakilalang mga suspek sakay ng motorsiklo na walang plaka.

Hinala ng mga awtoridad na ang biktima lamang ang target ng mga salarin dahil hindi naman idinamay ang kapatid nito, gayunman inaalam pa ang ang motibo sa naganap na krimen. (Dolly Cabreza)