CON-CON ‘DI PINONDOHAN ; CON-ASS WALA NANG ATRASAN

Wala nang atrasan sa Constituent Assembly (Con-Ass) dahil hindi pinondohan ng Palasyo ng Malacañang sa 2017 national budget ang paghahahal ng mga delegado ng Constitutional Convention (Con-Con).

Sa press briefing matapos isumite sa Kamara­ ang national budget sa 2017 na nagkakahalaga ng P3.35 trillion, sinabi ni Department of Budget and Management (DMB) Secretary Benjamin Diok­no na hindi kasama sa pinondohan ang Con-Con.

“There’s no budget for Charter Change (sa pamamagitan ng Con-Con),” ani Diokno dahil ang nais, aniya, ni Pangu­long Rodrigo Duterte ay Con-Ass ang sistema sa pag-amyenda sa Saligang Batas.

“That (Con-Ass) does not involve additional funds,” ani Diokno kaya sadyang hindi naglaan ang mga ito ng pondo para sa paghahalal sa mga Con-Con delegates sa ­unang panukala na sa Con-Con idaan ang pag-amyenda sa Saligang Batas.

Sa ilalim ng Con-Ass, magsasanib-puwersa lang ang Senado at Kamara na siyang mag-aamyenda sa Saligang Batas.

Gayunpaman, kung kailangan umano ng pondo para rito ay huhugot ang gobyerno ng pera mula sa contingent funds ng Office of the President.

Samantala, kahit walang pondo, itutulak pa rin ni Senate President Pro-Tempore Franklin Drilon ang Con-Con para masusugan ang 1987 Constitution.

Sinabi ni Sen. Drilon­ na tuloy ang pagdinig ng Senate committee on cons­titutional amendments,­ revision of codes and laws, sa panukala sa pag-convene ng Con-Con kahit na hindi ito nilagyan ng pondo sa panukalang P 3.3 trilyong budget para sa taong 2017.

“Pinu-push ko ‘yung Constitutional Convention. Tingnan natin kung ano ang mangyayari,” ani Drilon.

Aminado ang senador na kaya hindi nilagyan ng pondo ang Con-Con ay dahil mas pinapaboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Con-Ass dahil hindi na magkakaroon ng eleksyon para maghalal ng delegado, kundi ang mga kongresista at senador na lang ang aatasang mag-amiyenda o magrebisa ng Konstitusyon.

“The non-inclusion of the budget for a Con-Con is understandable because the preference of the executive is Con-Ass,” wika ni Drilon.

Sinabi pa ni Drilon­ na isa sa hangarin ng public hearing ay upang makuha ang pulso ng taumbayan kung ano ang pinapaboran nilang paraan ng pag­retoke ng Kons­titusyon — kung Con-Con o Con-Ass.

“Let’s see what will come out in the hearings — what mode should be used,” dagdag pa ni Drilon.