Bago pa man naupo sa Malacañang si Pangulong Rodrigo Duterte, maliwanag na Pederalismo ang anyo ng pamahaaan ang gusto niya sa Pilipinas at handa siyang tumawag ng Constitutional Convention o Con-Con na halal ng bayan ang mga miyembro at naka-pokus lang sa pag-amyenda ng Saligang Batas ang kanilang gawain.

Nagbago ang ihip ng hangin nang sabihin ni Speaker Pantaleon Alvarez na Constituent Assembly (Con-Ass) na ang gustong pamamaraan ni President Rody para baguhin ang Saligang Batas at hindi na ang mas magastos na Con-Con.

Kung sina Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at Sherwin Gatchalian ang tatanungin, mas pabor sila sa Con-Con dahil hindi maaabala ang mga senador at kongresista sa pag-ameyanda ng Konstitusyon at mas mapagtutuunan nila ng pansin ang pagpapasa ng mga importanteng batas gaya ng General Appropriations Act.

“Masyadong controversial ang Con-Ass at ‘yung public acceptance maaapektuhan kung ipapaubaya sa mga mambabatas ang pagbabalangkas ng ating charter kasi alam naman natin may kanya-kanyang self-interest ‘yung mga mambabatas din at baka kung anong mangyari,” paliwanag ni Lacson.

Naniniwala naman si Gatchalian na hindi puwedeng ipaubaya sa mga mambabatas ang mga sensitibong mga probisyon sa Saligang Batas gaya ng anti-dynasty clause, party-list system at economic provisions dahil malaki lang ang posibilidad na mahalua­n ito ng mga interes-pulitikal ng mga kongresista.

At kung si Gatchalian ang tatanungin, mga Cons­titutional experts ang dapat mahalal sa Con-Con at hindi dapat mapabilang dito ang mga nakaupong opis­yal, mga talunang kandidato noong May elections at mga miyembro ng mga tinatawag na political dynasty.

“We need to bring our best legal minds together to complete the transcendentally important task of crafting a new Constitution, the charter which will serve as the covenant between the State and its citizens for generations to come,” ani Gatchalian.

Pareho ang pananaw nina Lacson at Gatchalian na hindi katanggap-tanggap ang Con-Ass dahil magi­ging masalimuot ito sa usapin ng pagboto ng House at Senado kung magkasama ba o magkahiwalay ang mababa at mataas na kamara para makuha ang three-fourths na kabuuang miyembro nito.

“‘Yung Con-Ass, sabi ko most controversial kasi hindi klaro sa Article 17 Section 1 of the 1987 Constitution. Ang sinasabi dun, three-fourths votes of all the members. Hindi naman sinabing voting jointly or separately so magkakaroon ng debate and ang nakikita ko aabot at aabot sa Supreme Court so lalong matatagalan,” ani Lacson.

Matatandaang panahon pa ni Pangulong Fidel V. Ramos sinikap ng Lakas-Christian-Muslim Democrats (Lakas-CMD) na isulong ang Charter Change (ChaCha) sa pamamagitan ng Constituent Assembly na binubuo ng mga miyembro ng House of Representatives at Senado.

Pero natuldukan ang ChaCha noong 1997 nang mag-alyansa sina dating Pangulong Cory Aquino, Vice President Joseph Estrada at Jaime Cardinal Sin at makapagpakilos ng daang libong mamamayan sa Rizal Park para tutulan ang ChaCha ni FVR.

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Joseph Estrada ay sinikap ding baguhin ang mga “economic provisions” ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng Concord pero hindi ito lumipad at nakadagdag lang sa galit ni Cardinal Sin. May mga sumubok din sa ChaCha sa ilalim ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo pero hindi rin ito nagtagumpay.

Sabi nga ni Gatchalian, bagama’t mas magastos ang Con-Con kumpara sa Con-Ass, mas katanggap-tanggap naman para sa mamamayan ang Con-Con at sa bandang huli ay mahihigitan ng mga benepisyo ng Con-Con ang kinakatakutang gastos dito ng administrasyong Duterte. Ano sa palagay niyo?