Concert, festival ligtas basta sumunod sa COVID-19 advisory

Naglabas kahapon ng pahayag ang Department of Health (DOH), Department of Tourism (DOT) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagsasaad na ligtas na mag-organisa at dumalo sa mga public event katulad ng concert, festival at piyesta sa gitna ng kinatatakutang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Bilang paglilinaw ito sa naunang abiso ng DOH na inisyu noong Pebrero 7 kung saan pinapayuhan ang publiko na umiwas muna sa pagdalo sa mga concert at iba pang event na maraming tao dahil na rin sa COVID-19.

Ayon sa joint statement ng tatlong kagawaran, may nakalatag nang guideline sa mga hotel at resort para sa pangangalaga sa mga turistang tumutuloy sa kanilang establisimiyento bago pa man nagkaroon ng global emergency dahil sa COVID-19.

Kailangan lamang anila sumunod ng mga event organizer sa mga abiso ng DOH para sa kaligtasan ng publiko na dadalo sa mga pagtitipon. (Juliet de Loza-Cudia)