Isang lalaking pasahero ng kotse ang sugatan matapos na masalpok ng nasa­bing sasakyan ang isang concrete barrier na wala man lang kahit anong nakalagay na safety signs o reflector sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Batasan Traffic Police Richard Venturina, alas-dos pasado ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Commonwealth Avenue ng nasabing lungsod kung saan ay may ginagawang parte ng MRT-7 na ang contractor ay ang EEI Corporation.

Ayon sa driver ng kotse­ na si Joventino Prado, nagulat na lamang umano siya nang papalapit na sa mga concrete barrier dahil wala umanong kahit anong ilaw, safety signs o reflector hanggang sa hindi na siya makapreno at salpukin ang mga barrier.

Sa lakas ng pagkakasalpok ay humampas ang ulo ni Humprey Sari­ngan Jr., sakay ni Prado sa likurang upuan ng sasak­yan, dahilan upang magtamo ito ng sugat sa noo.

Napag-alaman naman kay Venturina na accident prone umano ang lugar sa katunayan ay bago umano nadisgrasya sina Prado ay kakaaksidente lamang umano ng isang Uber car sa lugar.

May mga ilaw naman umano sanang magsisilbing safety signs sa lugar ngunit hindi naman umano ito gumagana, samantala ay agad namang nakaresponde ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Rescue Team at mabilis na nalapatan ng paunang lunas si Saringan saka agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.