Condom sa relief goods pinalagan ng obispo

Kinondena ng isang obispo ang mga ipinamudmod na relief goods na may halong condom bilang donasyon sa mga naapek­tuhan kamakailan ng pananalasa ng bagyong ‘Tisoy’.

“Definitely it’s not only improper, but it’s also definitely out of place,” banat ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona sa isang panayam.
Aniya pa’y wala ito sa lugar at hindi akmang ipamahagi sa mga nasalanta ng bagyo.

“It’s not proper and whoever did that, it’s bad taste,” dugtong pa nito.
Nauna rito’y maraming residente ng Milaor, Camarines Sur ang nagulat sa nakitang mga contraceptive na nakahalo sa natanggap nilang relief goods.
Umaabot sa 460 pamilya ang nakinabang sa relief goods na may mga contraceptive para sa lalaki at babae.

Ayon kay Milaor Mayor Anthony Reyes, sinadya talagang lagyan ng contraceptive ang relief goods matapos humingi ng payo sa kanilang municipal health officer na si Dr. April Romulo.

Giit naman ni Dr. April Romulo, kung ang bagyo ay napaghahandaan, ang pagpapamilya naman ay napagpaplanuhan.

Bukod sa mga condom, may pills din na ipinamigay para sa mga babae kasabay ng mga bigas, de lata na nakapaloob sa relief goods. (Vick Aquino/PNA)