Posibleng magbalik si Barangay Ginebra coach Tim Cone para sa Gilas Pilipinas.

Ito ay matapos sabihin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na posibleng isang interim coach ang kikilalanin para giyahan ang koponan sa first window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers habang wala pang napapagkasunduan na itala­gang permanenteng coach.

Pinahayag ni SBP Presi­dent Alfredo Panlilio nitong Lunes na magmumula ang interim coach sa Philippine Basketball Association (PBA), tulad ng pagkuha kay Cone bilang pansamantalang chief tactician ng Gilas na kumopo ng medalyang ginto sa nakaraang buwang 30th Southeast Asian Games PH 2019.

“Wala pa kaming na-identify na coach. Maybe in the first window, it will be an interim, ‘di siya yung magiging permanent coach,” ani Panlilio. “The interim are the coaches in the PBA. Maybe the interim is one of the existing coach we know today who’ll just do it for the window.”

Una naman sinabi ni Cone na “One and Done” lang ang kanyang ikalawang paghawak sa pambansang koponan bagaman ‘di niya isinasara ang posibilidad na muling tanganan ang Gilas men, pero sa mas detalyado at istratehikong mahabang pagpaplano.

Ang mapipiling interim coach ang siya ring hahawak sa kasalukuyang Gilas pool na kinabibila­ngan nina Isaac Go, Rey Suerte, Allyn Bulanadi, Matt at Mike Nieto, Thirdy Ravena at Jaydee Tungcab. (Lito Oredo)