May positibo at negatibong hatid sa Ginebra ang magkakalayong agwat ng natitirang laro sa PBA Philippine Cup.
Sa 4-4 ay nakatengga sa fifth-eighth ang Gin Kings kabuhol ang Phoenix, TNT at NLEX.
Magbabasagan ang Ginebra at KaTropa sa nightcap ng double-header sa Smart Araneta Coliseum mamaya. Sa first game ay magsasagupa ang NLEX at Alaska na sa 6-2 ay kabuhol sa tuktok ang San Miguel Beer at Magnolia.
Sa Feb. 18 na ang sunod na laro ng Gins kontra Meralco, huli ang Rain or Shine sa pagtatapos ng eliminations sa March 2.
Walang kontrol si Tim Cone dito, kaya gagawa na lang ng paraan para maitawid. Target ng coach na manatili ang Gin Kings sa top six.
“We’re doing some tweaks and stuff to our offense and our defense, so maybe the extra time will help us. Plus again, it gets Joe (Devance) more time to get back in the lineup. Greg (Slaughter) will get a little bit healthier,” paliwanag ni Cone.
Sumasailalim sa rehabilitasyon sa kanyang injured foot si Devance at hindi pa nakakalaro sa season, umaasa si Cone na makakabalik na ito sa mga susunod na araw. Sa agwat ng mga laro, dagdag-araw din para makondisyon si Devance.