Cone may palabok sa Triangle Offense

Sa hinaba-haba ng pinagdaanan ng Triangle Offense, kinakailangan ding magkaroon ng innovation para sumabay sa takbo ng panahon.

Itinanim ni Tex Winter, pinerpekto ni Phil Jackson sa Chicago Bulls at Los Angeles Lakers sa NBA.

At niyakap ni Tim Cone sa kanyang mga nahawakang teams sa PBA – Alaska, Purefoods at Ginebra.

Ang dalawang grand slam ni Cone at halos lahat ng kanyang koleksiyon ng 22 championship trophies, nanggaling sa Triangle.

Pero inamin ng winningest coach ng PBA na kailangan niya ring sahugan ng variation ang opensa.

Naiilang lang daw si Cone kapag lumilihis siya sa pinakabuod ng Triangle mula kay Winter, naging kaibigan niya matapos silang unang magkita noong 1999. Namatay na si Winter noong 2018.

“I always felt guilty whenever I try to do something new,” ani Cone sa Hoop Coaches International webinar na itinaguyod ng Blackwater Elite ni Dioceldo Sy.

Matapos tuhugin ni Cone ang pangalawa niyang grand slam sa Purefoods, tumalon siya ng Ginebra at nakaapat na titulo na rin sa crowd darlings.

Maya’t maya ay lumilitaw pa rin ang Triangle, bagama’t may mga innovation na.

“Through the years obviously, we have evolved the Triangle,” panapos na wika ni Cone. “It evolves on itself, but we still stay very, very much into the Tex Winter principles.”

Kailangang isipan ng bagong sahog dahil nababasa na ng opisisyon ang takbo, pero hindi maikakailang sakit ng ulo ng mga kalabang coaches pa rin ang Triangle. (Vladi Eduarte)