Pinanindigan ni Congressman Ricky Sandoval ang pagiging sandi­gan ng Malabon matapos nitong tahasang kondenahin ang demolis­yon na nangyari sa iba’t ibang lugar sa Letre, Tonsuya.

Paglalahad ni Sandoval, personal niyang hinarap at hinarang ang mga pulis upang hindi mapalayas ang kababayan nito sa Letre. “Hindi kaila sa ating lahat na malaki ang isyu ng pabahay dito sa Malabon at marami ang nagtatangka na mapalayas ang mga kababayan ko sa kanilang teritor­yo. Bilang sandigan nila ng matagal na panahon na ay hindi ko hinayaan na sila ay mapaalis basta-basta at sa halip ay ako mismo ang humarap sa mga pulis noon sa Flovy 1-8, Kadima, Damata, Paradise, at Gozon, ako ang nakiusap na ‘wag gagalawin ang mga nakatira roon dahil hindi nila deserve ang ganung treatment. Hindi natin sila dapat sisihin sa pagiging mahirap nila bagkus ay bakit hindi natin sila tulungan,” ani Sandoval.

Sa suporta ni Vice Mayor Jeannie Sandoval, napalitan ng magandang usapan ang tensyon sa pagitan ng mga residente at mga pulis. “Hindi isa kundi libo-libong residente ang ating natulungan na manatili sa kanilang teritoryo dahil sa ating tunay na malasakit sa mga taga-Malabon. Hangga’t kami ang kasama nila sa Malabon, hinding-hindi sila mapapaalis sa lungsod at walang makagagalaw sa kanila,” dagdag ni Jeannie Sandoval.

Isinulong naman ni Cong. Sandoval sa Kongreso ang batas ukol sa National Commission for the Urban Poor (NCUP) na naglalayong iangat ang kalagayan ng mga mahihirap na mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat at disenteng pabahay at serbisyo.