Cong Villanueva: Mga POGO singilin sa P50B buwis

Binatikos ni House Deputy Speaker at CIBAC party-list Rep. Eddie Villanueva ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases dahil sa desisyon nitong payagang makapag-operate ang mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Sinasabi aniya ng gobyerno na makapagbibigay ang mga POGO ng hanggang P600 milyon kada buwan para madagdagan ang pondo ng pamahalaan para labanan ang COVID-19 pandemic.

Subalit sa pagdinig anya ng Senado hinggil sa mga POGO noong nakaraang taon ay nabunyag na marami sa mga kompanyang ito ang hindi nagbabayad ng buwis sa pamahalaan na umaabot ng P50 bilyon.

Ayon kay Villanueva, kung gusto ng pamahalaan na madagdagan ang pondo para sa COVID-19 pandemic response, dapat singilin nito ang pagkakautang sa buwis ng mga POGO at iba pang mga obligasyon nito.

“Why not just make POGOs pay tax delinquencies? Why allow resumption of operations that will risk spread of virus?” tanong pa ni Villanueva.

“Why not just make them pay their due, why allow them continue their business when it will clearly put at risk the entire efforts of the government to contain the spread of COVID-19 virus?” sabi pa nito.

Ipinagtataka ng mambabatas kung bakit pinayagang makapag-operate ang mga POGO sa kabila nang hindi naman nakikinabang ang bansa sa operasyon ng mga ito.

“It’s just an incoherent policy,” he said.

Ayon kay Villanueva, kung dati nang matigas ang mga POGO na hindi magbayad ng buwis, walang kasiguruhan na magbabayad ito ngayon kaya’t bakit aniya ilalagay sa panganib ang buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpayag na mag-operate uli ang mga ito at posibleng maging `hotbed of infections’ ang mga casino.

“It’s just baffling why the government seems making itself ‘obliged’ to help this gambling industry operate amidst this crisis?” he said.(JC Cahinhinan)