Ipinababasura ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat sa Sandiganbayan ang graft cases na isinampa laban sa kanya kaugnay ng pagbili ng umano’y overpriced na sasakyan.

Kasabay na rin dito ang pagkaudlot ng itinakdang arraignment o pagbasa ng sakdal kahapon.

Si Baguilat ay naghain ng motion for dismissal sa naturang mga kaso sa 5th Division ng anti-graft court.

Tinukoy ng kongresista ang delays o mabagal na imbestigasyon ng Office of the Ombudsman.

Nahaharap si Baguilat sa dalawang bilang ng pag­labag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa pagbili ng second-hand na Isuzu Trooper Wagon sa umano’y overpriced na halaga na P900,000.

Hindi rin umano ito dumaan sa bidding.

Giit naman ng kongresista na ang pagbili ng naturang sasakyan ay ginawa ng probinsya ng Ifugao nang siya ay gobernador nito noong 2003 habang ang paghahain umano ng kaso laban sa kanya ay nangyari lamang noong Pebrero 9, 2018.

Dahil sa naturang apela, iniurong ng korte ang nakatakda sanang arraignment sa kongresista. Mu­ling itinakda ng korte sa Abril 27 ang pagbasa ng sakdal.