Congressman na gustong maging speaker, namudmod ng cellphone, grocery

bubwit-ni-deo-macalma

Alam ninyo bang ibang klase pala ang isang congressman na taga-Luzon na matindi ang ambisyong maging house speaker.

Ayon sa aking bubwit, namigay ng sangkaterbang cellphone at grocery si congressman sa mga kasamahan niya sa Kamara de Represen­tantes noong Christmas season. Mukhang dina­ig pa ni congressman si Santa Claus sa dami ng ipinangregalong cellphone at grocery items.

Ayon sa aking bubwit, tig 15 cellphone at tig-100 grocery bags ang tinanggap ng bawat isang miyembro ng Kamara galing sa Luzon congressman. Bawat isa ah mga pare at mare. Tig-15 cellphone at 100 grocery bag para sa may 300 miyembro ng House of Representatives ? ibang klase ka deputado.

Balita ng aking bubwit ay todo-suporta ang isang business tycoon sa ambisyon ni congressman na maging Speaker of the House. Ang madalas banggitin ni congressman sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso at sa kanyang mga kaibigan ay pina­ngakuan sya ni Pangulong Rodrigo Duterte na tutulungang maging House Speaker.

Aba ang suwerte ni congressman sa supporter niyang business tycoon na kilala sa sirkulo ng mga politiko na ‘kingmaker’, na ang impluwensya at suporta ay kayang maglagay ng mga lider ng bansa.

Ang business tycoon na ito ay isa sa pinakamatagumpay na negos­yante sa Pilipinas na ang mga produkto ay parte ng pang araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

Ang congressman na nag-aambisyong maging House Spea­ker kaya namigay ng tig-15 cellphone at tig-100 grocery bags sa may 300 miyembro ng House of Representatives na galing naman sa supporter niyang business tycoon ay si LA, as in Lord Almighty.