Balik na ang ritmo ni Mike Conley, bumalik din ang physical defense ng Memphis kasama sina Marc Gasol at 6-foot-11, 242-pound rookie Jaren Jackson, Jr.

Tumikada si Gasol ng 26 points at 13 rebounds, nagdagdag si Conley ng 18 points at 9 assists, at kumalas ang Grizzlies para paamuin ang Minnesota Timberwolves 100-87 nitong Linggo.

Pinuwersa ng Memphis ang Minnesota sa 20 turnovers na nagresulta sa 19 points tungo sa panlimang panalo sa anim na laro.

“That’s what gives us the best chance to win against any team,” ani Gasol hinggil sa kanilang physical game. “I think that’s who we try to be consistently.”

Nagsalpak ng 12 3-pointers ang Grizzlies, 4 of 7 si Gasol na may 18 points sa second half.

Nagsumite ng 15 points at 20 rebounds si Karl-Anthony Towns sa Timberwolves, bago ang laro ay nakatatlong sunod na panalo sapul nang i-trade si Jimmy Butler sa Philadelphia.

Hawak ng Wolves ang second-fewest turnovers sa 12.5 per game lang, pero kontra Grizzlies ay napuwersa sa eight miscues sa first quarter lang.

Kumonekta ng tatlong 3-pointers ang ga­ling 76ers na si Dario Saric at umiskor ng 11 sa fourth. Nagsalpak siya ng 3 para idikit sa walo ang Wolves, pero dalawang sunod na 3 din ang isinagot ni Gasol.