Conley kampeon ng NBA H-O-R-S-E

Si Mike Conley Jr. ang NBA champion.

Sandali. NBA H-O-R-S-E champion pala.

Pinagharian ni Conley ang nationally televised competition na inorganisa ng liga para makapag-donate ng higit $200,000 sa charities pang-ayuda sa mga apektado ng coronavirus disease 2019 pandemic.

Dahil sa paglaganap ng virus sinuspinde ang 2019-20 season noong March 11, wala nang live sports na mapanood ang publiko na nakatengga rin sa bahay-bahay.

Nilaktawan ng 6-foot Utah Jazz guard si Chauncey Billups sa semifinals bago sinipa si Zach LaVine ng Chicago Bulls sa final nitong Huwebes.

Apat ang naiwan sa eight-player tournament tampok ang current players, WNBA stars at former players nang talunin ni Billups si Trae Young, nilaglag ni Conley si Tamika Catchings, naungusan ni LaVine si Paul Pierce, at kinalos ni Allie Quigley si Chris Paul.

Showdown sina point guards Billups at Conley, at kasado ang Chicago battle nina Bulls high-flyer LaVine at Sky sharpshooter Quigley.

Sa final, inamin ni Conley na ibinaba niya ang rim sa kanyang home gym para masabayan ang lipad ni LaVine.

Nasa early lead na si Conley sa likod ng eyes-closed free throw, letrang E na lang ay ilalaglag na si LaVine nang paikutin sa daliri ang bola bago sinuntok ng kabilang kamay para ipasok sa basket, off the glass pa.

Ang daming nagagawa ng Jazz guard sa kanyang dalawang kamay.

Sinikwat ni Conley ang panalo sa running layup, behind-the-backboard shot. (VE)