Sa halos lahat ng local government units (LGUs) sa Metro Manila, isa lamang ang ating nakikitang dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng Kalakhang Maynila.
Ito ay ang kawalan ng consistency ng mga LGUs sa mga solusyong kanilang inilalatag para mapagaan ang daloy ng trapiko sa kani-kanilang nasasakupan.
Sa ating obserbasyon sa daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng Metro Manila partikular sa Quezon City, ang kawalan ng consistency sa ipinaiiral na regulasyon ang isa sa nagiging sanhi ng masikip na daloy ng trapiko.
Isa sa aking nasilip ay ang deployment ng maraming traffic enforcer. Pero ang malaking problema rito ay hindi nagtatrabaho ang mga naka-deploy na mga personnel ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at maging ang mga itinatalaga ng mga LGUs.
Karamihan sa mga ito ay nagtitipun-tipon lamang sa isang lugar katulad na lamang ng mga nakatumpok na mga MMDA personnel sa bahagi ng Tandang Sora na sa halip na tumutulong sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa maraming masisikip na lugar sa QC ay nag-uumpukan lamang at nakaabang sa mga magsu-swerve o mag-o-overspeeding na mga motorista.
Pero may oras naman ding maayos ang daloy ng trapiko sa QC at ito ay ramdam dahil makikitang maraming traffic enforcers sa ilang chokepoint sa lungsod ang kumikilos.
Ang sa akin, kaya naman palang ayusin ang daloy ng trapiko pero bakit hindi ito gawin lagi, bakit kailangan may araw o oras lamang gayong kakayanin naman talagang patinuin.
Ganito rin ang kaso sa Parañaque City na talaga namang malupit ang problema sa daloy ng trapiko lalo na sa Sucat Road pero ang tanong bakit may mga oras namang maluwag?
Tutal ay nakikita naman ng mga tagapangasiwa ng daloy ng trapiko ang sitwasyon dapat ay ina-adopt na nila kung anuman ang magandang polisiyang kanilang ipinatutupad upang tumino ang daloy ng trapiko nang sa gayon ay makabawas naman ng konsumisyon sa mga motorista.
Mas epektibo rin siguro kung regular ang monitoring ng pinuno ng MMDA at LGUs sa mga naka-deploy na mga traffic enforcers. Hangga’t hindi kasi tinututukan ang mga nagsasaayos ng daloy ng trapiko ay pa-petiks-petiks lamang ang mga tauhan.
Pansin natin ito dahil ganito ang nangyayari tuwing may mga opisyal na dadaan sa isang ruta ay biglang nagiging maayos ang daloy ng trapiko.