Constituents huwag idamay sa parusa sa absinerong solon

kongreso

Sang-ayon si Navotas City Rep. Toby Tiangco, ang kongresista na nagsusulong ng ‘no work, no pay’ sa pala-absent na solon na i-reprimand pero hindi dapat suspendihin o tanggalin ng tuluyan sa Kongreso ang mga mambabatas na madalang lamang dumalo sa mga sesyon.

“Ngayon ang sabi ng iba, bakit daw hindi na lang i-reprimand, suspend o tanggalin. Ang sagot ko ho d’yan siguro ‘yung reprimand pupuwede, ‘yung suspension hindi ho ako pabor sa suspension dahil ‘pag suspension ho ang ginawa mo ang pagbigay ng disciplinary action sa isang congressman pati ‘yung constituent na pinagsisilbihan n’ya ay maaapektuhan,” paliwanag ni Tiangco.

“Hindi katulad sa suweldo ang babawasan mo s’ya lang ang naapektuhan dun,” dagdag nito.

Iginiit nito na hindi dapat kasali sa parusa ang mga constituent na bumoto sa pasaway na mambabatas.

Binigyang-diin din ni Tiangco na hindi masasabing “demeaning” ang panukala niyang “no work, no pay”.

“May nagsasabing demeaning… hindi ho demeaning ‘yan. Ang demeaning is ‘yung tumanggap ka ng suweldo na hindi ka nagtrabaho. Hindi ba nakakasira sa imahe ng gobyerno ‘yun na tumatanggap kayo ng suweldo na hindi kayo nagtatrabaho. Kasama sa sinumpaan kong tungkulin ay ‘yung pag-attend ko ng sesyon,” ayon kay Tiangco.