Patay ang isang construction worker nang diumano’y manlaban sa mga awtoridad na nagkasa ng anti-illegal drug operation sa Sta. Rosa, Laguna Linggo.
Kinilala ni CALABARZON PNP Regional Director PBGen. Vicente Danao Jr. ang suspek na si Dennis Badilles Caratihan, 40, taga-Brgy. Macabling na hitman umano ng Vallejo drug group na nagsasagawa ng operasyon sa 1st at 2nd district ng Laguna at Muntinlupa City.
Ayon sa ulat ng Sta. Rosa Police, nanlaban si Caratihan sa mga pulis nang makatunog ito na may mga operatiba sa buy-bust operation sa naturang barangay alas-siyete ng gabi.
Nagtamo ito ng mga tama ng bala ng kalibre .45 baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agad nitong ikinamatay. Narekober sa kanya ang isang kalibre 38 revolver at 13 sachet ng shabu at buy-bust money.
Nabatid na dalawang beses nang naaresto si Caratihan kaugnay sa kasong iligal na droga noong 2015. (Ronilo Dagos)