IT consultant ni Sereno, rumaket din sa Victoria Court

helen-sereno

Dati nang ‘big time’ ang IT consultant na si Helen Macasaet dahil tiba-tiba rin diumano ang pinasuweldo rito ng dating kumpanyang pinasukan nito.

Nagtrabaho rin diumano si Macasaet sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) bago kinuha ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Kung tutuusin mistulang binarat pa ng Supreme Court (SC) si Macasaet dahil ang P100,000 na kalaunan ay itinaas sa P250,000 na sahod nito ay walang binatbat sa P925,000 na buwanang kinita nito sa GSIS nang i-empleyo noong Nobyembre 2008 hanggang Hunyo 2010, habang dolyar naman ang tinanggap nito sa SSS.

“I was receiving P925,000 monthly from November 2008 to June 2010 when I was hired as solutions provider during the GSIS database crash, or during the time of former GSIS president and general manager Winston Garcia,” sabi ni Macasaet ng usisain ni Leyte Rep. Vicente Veloso sa pagdinig ng House Committee on Justice kahapon.

Umaabot naman sa 400,000 hanggang P500,000 ang buwanang sahod ni Macasaet sa ‘King Group of Companies’ na operator ng motel chain na Victoria Court.

Ikinagulat naman ng mga mahistrdao ng SC nang mapagtanto na mas malaki pa ang sahod ni Macasaet kumpara sa mga ito.

Pero buweltang hirit ni Macasaet mas paldo man ang kanyang suweldo sa SC justices ay bokya naman siya kumpara sa allowance na napapala ng mga ito.