Inirekomenda ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Ilocos Norte na ilagay sa blacklist ang contractor ng umano’y substandard flood control project na matatagpuan sa Brgy. San Mateo, Laoag City.
Sa provincial resolution number 2019-01-313, sinabi ni SP board member Vicentito Lazo na batay sa kanilang inspeksyon, lumalabas na hindi sumunod ang contractor sa regulasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para tanggalin at palitan ang nasirang bahagi ng flood control project sa Laoag na nagkakahalaga ng P10 milyon.
Isang local contractor umano ang nagpasa ng proyekto sa Katha Builders and Supplies (KBS) na nagsimula ng konstruksyon simula Pebrero 12 hanggang Hulyo 11 noong 2018.
Samantala, mariing itinanggi ng Ilocos Norte 1st Engineering Department na substandard ang ginamit sa proyekto. Sinabi ni Robert Rabago, head ng engineering district, na may ilan lamang na hindi perpektong nagawa kaya nag-collapse ang katatapos lamang gawin na dike.
Matatandaan na gumuho ang ginawang proyekto makaraan lang ang isang linggo.