Mga laro sa Miyerkules: (The Arena, San Juan)
4:00 p.m. — Air Force vs UP
6:30 p.m. — Adamson vs Power Smashers
Sumampa sa top spot ang Creamline matapos pabagsakin ang Philippine Air Force, 25-19,25-22, 22-25, 25-12 kahapon sa Premier Volleyball League Open Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Muling sinandalan ng Cool Smashers si volleyball superstar Alyssa Valdez upang hawakan ang 3-0 karta at saluhan sa unahan ang defending champion Pocari Sweat.
Ayon kay Creamline assitant coach Oliver Almadro, kailangan nilang magpanalo hangga’t nakakalaro pa sa kanila ang kanilang pambatong player na si three-time UAAP Most Valuable Player, (MVP) Valdez.
“We have to win as many games as we can kasi we know Alyssa, (Valdez) will be out to join the national team,” saad ni Almadro.
Nakatakdang tumungo ang national team kasama si Valdez sa Japan para mag-train simula July 17 hanggang August 2 bilang preparasyon sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Umiskor si Valdez ng 23 puntos, mula sa 20 spikes at tatlong service aces.
May kartang 1-1 ang Lady Jet Spikers.
Nakaisang set ang Lady Jet Spikers matapos nilang sabayan ang tikas ng Cool Smashers sa third frame at makahirit ng palo sa fourth.
Pero hindi na nakaulit ang Air Force dahil hinarurot na sila ng Cool Smashers.
Samantala, nagwagi sa unang laro ang BanKo-Perlas kontra Adamson University, 25-18, 25-16, 21-25, 25-21.
Bumira si Nicole Tiamzon ng 14 points, may 13 puntos si Kath Bersola habang 12 at 10 markers sina Amanda Villanueva at Amy Ahomiro ayon sa pagkakasunod para sa Perlas na pininta ang 1-2 card.
Nirehistro ni Jessica Galanza ang 18 markers mula sa 17 hits at isang service ace habang siyam at pitong puntos ang binakas nina Christine Soyud at Roque.