Coronavirus matinding banta sa mundo — WHO

Isang matinding banta sa buong mundo ang kumakalat na novel coronavirus (nCoV).

Ito ang babala ng World Health Organization (WHO) sa pagbubukas ng isang international conference sa Geneva, Switzerland nitong Martes.

Pangunahing agenda sa dalawang araw na kumperensiya na mahanapan ng lunas ang nCoV na mahigit 1,000 katao na ang nasawi at libo-libo na ang infected sa ilang bansa kung saan kumalat ito.

“With 99% of cases in China, this remains very much an emergency for that country, but one that holds a very grave threat for the rest of the world,” ayon kay WHO Director General Tedros Adhanom Ghebreyesus.

Sabi nito, pinakamahalaga sa ngayon ay kung paano mapipigilan ang pagkalat ng nCoV at hinimok nito ang lahat na magkaisa para matugunan ang global health emergency na ito.

Ayon sa WHO, nasa 400 scientist ang dumalo sa kumperensiya para pag-usapan ang nCoV at hanapan ng lunas.