Mainit na usapin na rin sa mundo ng poker ang coronavirus. Hindi lang ito basta pinag-uusapan, pinagpupustahan pa ito.

May lumabas kasing balita na posibleng ikansela ang prestihiyosong World Series of Poker ngayong taon dahil sa mabilis na pagkalat ng nasabing sakit.

Libo-libong poker players mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang dumadayo sa Las Vegas, Nevada tuwing ginaganap ang taunang serye.

May isa lang na sumali na infected ng coronavirus ay siguradong malaking perhuwisyo ang kakalabasan.

Ilang professional poker players ang ginamit ang social media para makahanap ng kapustahan kung makakansela ang WSOP ngayong taon. Kabilang sa mga ito sina Doug Polk at Mike McDonald.

Humihingi ng 20:1 odds si Polk sa mga naniniwala na tuloy pa rin ang WSOP sa 2020 habang 12:1 odds naman ang hinihingi ni McDonald.

Pinatamaan sila ng two-time WSOP Player of the Year na si Daniel Negreanu sa kanyang Twitter post.

“As a professional gambler, I’m open to betting on a lot of things. Not on that list are divorce, people suffering, people dying and people getting a virus,” ani Negreanu.

“Like if you win a bet like this, do you give yourself a high-five? Seems cold-blooded,” dagdag pa nito.

Dumepensa naman agad si McDonald. “Rooting for it (WSOP) to be cancelled is more about hoping those in charge of the WSOP care about the lives of their employees and customers more than they care about dollars.”

May punto sila pareho pero ang bottom line ay kailangan nating mag-ingat sa panahon ngayon.

Ikansela man o hindi ang WSOP, nasa mga players pa rin ang desisyon kung gusto nilang maglaro o hindi.