Sa mga fan ng Triple Threat Star na si Lee Seung Gi, malinaw na hindi nila sineseryoso ang kaisipan ng ilang Korean citizen na kayang harangin ng presence ni Seung Gi ang anumang kalamidad o disaster na papasok sa nasabing bansa.

Pero ‘yun nga, merong mga Korean citizen na naniniwalang may “fortune” o may kakayahan ang “Master in the House” and “Friday Joy Package” star na maharang ang anumang possible disaster.

Katulad na lang ngayon na may ilang confirmed cases na raw ng deadly disease na coronavirus sa South Korea. Mababasa sa mga online sites na ang daming netizen na nagtatanong, “Where’s Lee Seung Gi?” Gusto nilang makasigurado kung kasalukuyan daw ba itong nasa bansa ngayon or wala. At kung nasa ibang bansa man, nakikiusap ang mga ito na bumalik na ng South Korea at baka maharang ang pag-spread ng virus.

Siyempre, natatawa na lang ang ilan sa mga nakakabasa kahit na may ibang nagseseryoso at naniniwalang may ganitong “power” ang singer/actor/host. Basta may posibleng hindi magandang mangyayari, parang nananawagan sila kay Lee Seung Gi online.

Sa nilabas ng koreaboo.com, ang pinanggagalingan nila ay ang mga pangyayari in the past na posibleng coincidence lang naman talaga. Noong 2011 daw, dapat ay magpo-promote ito ng drama sa Japan, pero hindi natuloy at bumalik ng Korea. Pagkaalis daw ni Seung Gi sa Japan, nagkaroon ng malaking lindol. Noong 2012 naman daw, may malaking bagyo na maghi-hit sa Korea, ang Bolaven, wala sa Korea si Seung Gi noon, pero nang magbalik na, humina na rin daw ang bagyo.

Malakas daw ang ulan, pero nang lumabas daw ito para mag-perform, huminto. Nang matapos at umalis sa stage, umulan na naman nang malakas.

Nangyari rin daw ang good fortune sa London Olympics nang makumpirma ang pagdating ni Seung Gi sa Korea, nakumpirma rin ang pagpasok sa 400m ng representative ng Korea na si Part Tae Hwan. Kamakailan lang din, nang umalis si Seung Gi para mag-shoot ng bagong variety show sa Indonesia, ang “Twogether”, biglang lumabas ang balitang may malakas na bagyo na tatama sa bansa kaya nakikiusap ang mga netizen na sana, matapos na ang shoot at bumalik na ito ng Korea.

Marami pang insidente na positibo ang nagiging ganap basta nasisiguro nilang nasa bansa o dumating sa Korea si Seung Gi sa gitna ng kalamidad o disaster.

Kaya naman ngayon, kahit seryosong situwasyon at kinatatakutan ng karamihan ang coronavirus, mababasa sa mga online sites ang paghahanap ng netizens kay Seung Gi.

‘Yun nga lang, walang makapagkumpirma sa ngayon kung nasa Korea nga ba ito o wala.