Isa na namang opisyal na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto ang sisibakin nito dahil sa pagkakasangkot sa korapsiyon.
Inihayag ng Pangulo sa kanyang talumpati sa groundbreaking ceremony ng Davao City Bulk Water Supply Project kahapon na hindi siya titigil sa kanyang kampanya kontra katiwalian kaya’t isang undersecretary na hindi pa nito pinangalanan ang mawawalan ng trabaho at magiging malungkot ang Pasko.
“Corruption in government is not acceptable. When I go back to Manila, I’m going to fire another Undersecretary for corruption,” sabi ng Pangulo.
Walang ibinigay na dagdag na detalye si Pangulong Duterte kung sino ang sisibakin at kung saang ahensiya ng gobyerno ito nakatalaga.
Pinakahuling sinibak ng Pangulo ay si dating Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Secretary General Falconi Millar na inakusahang nanghingi umano ng pera sa isang kompanya.
Inanunsyo ng Pangulo ang pagsibak kay Millar sa isang okasyon na dinaluhan nito sa Tanza, Cavite noong nakalipas na linggo.