Pinawalang-saysay ng Supreme Court (SC) ang desisyon ng Sandiganbayan na pabor sa mosyon ni dating Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echavez na ibasura ang kasong katiwalian laban sa kanya kaugnay ng kuwestiyonableng pag-award ng isang proyekto.
Sa 11 pahinang desisyon ng SC Third Division na sinulat ni Associate Justice Diosdado Peralta, binaligtad ng mga mahistrado ang Sandiganbayan ruling noong 2017 sa kaso ng anak ni dating Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr., hinggil sa kontrata para sa multi-purpose building ng lungsod noong 2008.
Nakasaad sa desisyon na hindi maituturing na nalabag ang karapatan ng respondent para sa tinatawag na speedy trial kahit umabot pa ng hindi bababa sa dalawang taon ang pagdinig.
Ayon sa SC, hindi naman nagpabaya ang Ombudsman sa ginawang pag-iimbestiga nito hanggang sa makahanap ng probable cause at maiakyat ang reklamo sa Sandiganbayan.
Binigyan din ng pagkakataon ng SC ang prosekusyon na amiyendahan ang impormasyon laban sa kaso ni Echavez sa katwiran na patay na ang ama nito noong Hulyo 30, 2017.
May kinalaman ang kaso sa kuwestiyonableng pag-award para sa pagpapagawa ng gymnasium sa isang construction company na pag-aari ng mga Parojinog sa Lam-an, Ozamiz City. Tumatayo umanong managing partner ng Parojinog and Sons Construction Company si Echavez base sa special audit report ng Commission on Audit. (Juliet de Loza-Cudia)