Corruption sa Road Board huhukayin ng Senado

Bukod sa Bureau of Customs (BOC), marami ring opisyal ang yumaman nang magtrabaho sa Road Board, ayon sa isang senador.

Kaya naman gusto itong ipabuwag na lang ni Sen. JV Ejercito dahil ginagawa naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang trabaho ng Road Board.

“Yung mga nakaraang nag-Road Board mula kay (dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo) GMA hanggang sa kasalukuyan e talagang gumanda ang mga buhay nila, talagang venue for corruption,” patutsada ni Ejercito.

Nalikha ang Road Board nang isabatas ang Republic Act No. 8794 o ang Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) noong taong 2000.

Sa bawat binabayaran ng mga motorista sa renewal ng registration ng sasakyan, kasama dito ang MVUC.