‘Costly faults’ sa bidding ‘di naitanggi ng DOE

Hindi na naitanggi ni Department of E­nergy (DOE) budget sponsor, Appropriations Committee vice chairman at Zamboanga City 2nd district Rep. Manuel Jose Dalipe, sa pamamagitan ng budget sponsor nito sa ginanap na pagdinig sa Kamara para sa pa­nukalang 2020 P4.1 trilyong national budget, ang maaaring ‘costly faults’ sa 2018 department circular (DC) na sakop ang ‘bidding’ para sa mga power contract.

Tila naumid at wa­lang mahagilap na paliwanag si Dalipe, at sumang-ayon na lang ito sa mga naging obserbasyon ng interpellator na si Bayan Muna Party-List Rep. Carlos Zarate sa kung paanong anti-consumer ang DC.

“Ang mangyayari ho niyan, ‘yung gina­wang desisyon ng Korte Suprema mandating a CSP ay mawawalan ng saysay. At the end of the day, ang matatalo po dito ay mga consumers. Do you agree Mr. Sponsor?” tanong ni Zarate kay Dalipe sa plenary floor.

“Yes Mr. Speaker. Actually the DOE is reviewing that circular because as manifested by the honorable gentleman, it appears that way,” agad na sagot ni Dalipe.

Ang tinutukoy ni Zarate, senior deputy minority leader ay ang DC 2018-02-003 kung saan anu man ang layunin at hangarin ay nabago ang mga panuntunan para sa bidding o CSP para sa mga proposed power supply agreement na inilatag ng DC 2015-06-008 maaga ng tatlong taon.