Cotabato bet kumampay ng 2 gold sa Batang Pinoy

Cotabato bet kumampay ng 2 gold sa Batang Pinoy

Dalawang gold medal ang sinikwat ni John Alexander Talosig sa swimming competition upang pangunahan ang Cotabato Province sa tuktok ng medal tally sa Day 1 ng 12th ­Philippine Sports Commission Batang Pinoy National Finals 2019 sa Ramon Mitra Sports Complex, Puerto Princesa.

Nagwagi si Talosig, 14, sa Boys 13-15 200 LC meter Individual ­Medley at Boys 15 & Under 1,500 LC meter Freestyle para ibigay ang dalawa sa apat na gold medal sa Cotabato Province.

Galing sa swimming ang apat na ginto ng ­Cotabato, unang ginto mula kay Isidore ­Warain sa Boys 12 & Under 200m IM, habang ang isa pa ay ambag ni Saira Janelle Pabellon buhat sa Girls 12 & Under 50m ­breaststroke.

May dalawang silver­ at isang bronze sa ­kabuuan ang nasabing lalawigan.
Pangalawa sa ­medal tally ang Laguna ­Province na may tatlong gold, anim na silver at dalawang bronze.

Pangatlo ang Cainta Rizal na nakalikom ng tatlong ginto, galing lahat kay tanker Aubrey Tom.

Tuloy ang mainit na mga aksyon ngayong araw sa boxing, ­athletics, gymnastics at iba pang sports sa kompetisyong inorganisa ng PSC at suportado ng MILO. (Elech Dawa)