Cotabato rep, ex-Cebu mayor isinabit sa fertilizer scam

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at dalawang bilang ng malversation of public funds sina Cotabato 2nd District Rep. Nancy Catamco at dating Poro, Cebu Mayor Edgar Rama kaugnay sa umano’y pagkakadawit nila sa Ferti­lizer Fund Scam noong 2004.

Inirekomenda rin ng mga prosecutor ng ­Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng parehong kaso laban sa dating ­asawa ng lady solon na si Pompey Reyes.

Kabilang din sa sinampahan ng tig-isang bilang ng graft sina dating Vice Mayor Ronald Pajaron Carcellar at mga dating miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Ruben Estrera Jr., Gorgina Gonzales, Sergio Zurita, Nilo Gorgonio, Gregorio Dorog at William Surbano.

Sa imbestigasyon ng anti-graft court, lumitaw na pinaboran nina Rama at mga dating miyembro ng Sangguniang Bayan ang Perzebros Company, na pag-aari nina Catamco at Reyes bago pa ang kanilang annulment para sa P5-million procurement contract ng 3,333 bote ng Vitacrop liquid ­organic fertilizers na nagkakahalaga P1,500 kada isa.

Inilaan umano ito para sa Farm Inputs and Farm Implements Program ­(FIFIP) ng Department of Agriculture (DA) para sa bayan ng Poro.
Sinabi ng Ombudsman na binigyan ng grupo nina Rama ng ‘unwarranted benefits’ ang kumpanya ng dating mag-asawa na nagresulta sa pagkalugi ng gobyerno.

Ito’y matapos matuklasan ng Commission on Audit (COA) na overpriced nang P1,092 ang halaga ng bawat bote ng fertilizer na ikinalugi ng gobyerno nang P4.58 milyon.

Hindi rin anila suma­ilalim sa public bidding ang pagbili ng nasabing fertilizer.