Counter-checking sa SAP epektibo ba?

Sa pagpasok ng Hunyo ay maipapamigay na ng gobyerno ang second tranche ng tulong pinansiyal sa ilalim ng Social Amelioration Program para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.

Pero nananatiling kuwestiyon kung sa pagkakataong ito ay naitama na ba ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang listahan ng mga benepisyaryo dahil sa mga lumutang na problema sa pamimigay ng ayuda.

Kabilang dito ang mga nilagpasang kuwalipikadong pamilya, mga patay na subalit nasa listahan pa rin ng DSWD at ang mga doble ang tinanggap na ayuda mula sa ahensiya at sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Bagamat may pahayag ang mga opisyal ng DSWD na matutukoy sa gagawing counter-checking ang mga nakatanggap ng dobleng ayuda, tila walang epekto ito sa mga hindi tapat na benepisyaryo.

Katwiran ng mga nakatanggap ng dobleng tulong pinansiyal, sa dami ng benepisyaryo ay tiyak na hindi na ito malalaman ng DSWD.

Ito ngayon ang malaking hamon sa ahensiya dahil kailangang patunayan nila sa publiko kung gaano ka-epektibo ang counter-checking at kung gaano ito kabilis na maaksiyonan.

Aminin man at hindi, halos lahat ng naapektuhang Pilipino sa COVID crisis ay gustong makatanggap din ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno, subalit dahil mayroong pamantayan at prayoridad ang mga pinaka-mahihirap na pamilya ay nanahimik na lamang ang mga ito.

Pero sadyang may mga hindi tapat na mamamayan dahil kahit alam na dapat isang beses lang ang dapat matanggap, ay tinanggap pa rin ang galing mula sa DOLE.

At ang masaklap, imbes na gamitin para sa pamilya, mas inuna ng mga nakatanggap ng ayuda ang personal na pagpapaganda at pagbili ng gadget. Tama ba `yon?

Mayroon namang ibang nakatanggap ng doble na nagsoli dahil sa takot na baka makasuhan kapag natuklasan kalaunan.

Pero iilan lamang ang mga ito, mabibilang lang sa daliri na indikasyong iilan na lamang na Juan dela Cruz ang tapat at may takot sa gobyerno.

Kaya dapat magsilbing hamon sa DSWD ang maayos na pamamahagi ng ayuda sa pagkakataong ito dahil maraming sablay sa paghahatid ng unang ayuda at sa halip na agad itama ay ipinasa sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagpanagot sa mga lokal na opisyal na inakalang hindi ginawa ang trabaho.

Kapag maayos ang listahan ng mga kuwalipikadong benepisyaryo ay tiyak na walang maririnig na reklamo at puna sa ahensiya kaya ipakitang gumagana ang sinasabing sistema ng counter-checking. `Pag nagawa ito at natukoy ang mga hindi tapat na Pinoy, ako ang unang sasaludo sa inyo!