COVID-19 death toll sa mundo nasa 200k

Umabot na sa 200,000 ang death toll sa coronavirus disease 2019 , habang naitala naman sa 2.8 milyon katao ang nagpositibo sa virus sa buong mundo.

Kasabay nito, nagbabala ang World Health Organization (WHO) laban sa `immunity passports’ para sa nakarekober na pasyente bilang posibleng tool sa mga bansa na naghahanda para muling buksan ang kanilang ekonomiya.

“There is currently no evidence that people who have recovered from #COVID19 and have antibodies are protected from a second infection,” ayon sa UN health body.

Samantala,daang milyong Muslim sa mundo ang naggunita sa Ramadan sa mga mosque, subalit umiwas muna sa malalaking pagtitipon.

Habang sa Australia at New Zealand , ipinagdiwang ang Anzac Day nang walang parada kundi public ceremony bilang pagkilala sa mga nasawing sundalo.

Sa halip na magpatupad ng social distancing policy sa parada ,nagsagawa na lamang ang mamamayan ng `dawn vigil’ sa harap ng kanilang bahay.

Ang Sri Lanka hanggang Belgium at US ay naghahanda naman sa partial opening ng kanilang negosyo habang nanatili ang COVID 19 dahil halos kalahati pa rin ng sangkatauhan ang naka- lockdown sa kasalukuyan. (Juliet de Loza-Cudia)