COVID-19 katatakutan sa Tokyo Olympics

Habang patuloy na lumalaga­nap ang Coronavirus Disease o COVID-19, naghihintay ang buong mundo kung ano ang magiging desisyon ng International Olympic Committee (IOC) hinggil sa nalalapit na 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan.
Dinarayo ang quadrennial­ sportsfest nang mahigit na 11,000 atleta, lampas sa 25,000 journalist. 100,000 delegasyon at mga manonood mula sa mahigit na 200 bansa sa iba’t ibang kontinente ng mundo.
Matapos ang mga laro, magsisiuwian ang lahat sa kanilang mga bansa na isang malaking paraan para mas lalong kumalat ang coronavirus sa buong daigdig na kinatatakutan, pati ng mga researcher na wala pang matuklasang medisina.
“You bring a lot of people together, and then you ship them back all over the world: That’s the perfect way to transmit,” sabi ni Yvonne Maldonado, isang Stanford University professor at infectious disease researcher. “If you really want to disseminate a disease, that would be the way to do it.”
Parami nang parami ang mga kumukuwestiyon sa Tokyo Olympics organizer kung paano haharapin ang coronavirus na posibleng makaapeto sa 2020 Tokyo Olympics na isasagawa sa darating na Hulyo 24-Agosto 9.
Nagbibigay babala ang mga health expert sa kung anuman ang posibleng maganap sa patutunguhan ng Olympics dahil sa patuloy na kawalan ng pagresolba sa coronavirus outbreak, paano ito lalaganap at paano magagamot ang mga nahawa at na-infect.
Umaasa naman na makakagawa ng desisyon ang mga IOC at Tokyo Olympic organizer para sa pagharap nito sa kritisismo kung anuman ang kanilang haharaping direksyon sa mga susunod na araw – kung tuluyang kakanselahin na lang o iuurong ng petsa ang pinakamalaking paligsahan sa mundo.
Huling nagkansela ng Olympics noong 1940 at 1944 dahil sa World War II. (Lito Oredo)