COVID-19 patient, positibong makaka-recover sa sakit

Plano niyang umuwi sa kanilang lalawigan upang doon ipagdiwang ang kaniyang kaarawan kasama ang pamilya makalipas ang limang taon nang kaniyang pagtatrabaho sa United Arab Emirates.

Subalit nitong Pebrero 29, ilang araw makaraang makabalik siya sa bansa, ay nakaramdam siya ng pananakit ng kalamnan, nilagnat kasabay ng pagkakaroon ng ubo’t sipon at tila hinang-hina ang katawan at hindi niya makayanan na tumayo at lumakad.

Pero nang sumunod na araw, nawala ang kaniyang lagnat, subalit patuloy pa rin ang kaniyang pag-ubo at sipon. Makalipas ang isang linggo, ay nawalan siya ng panlasa at pang-amoy, kaya nagdesisyon na siya na magpa-check up sa ospital.

Pagdating niya sa emergency room, tinanong siya kung may travel history siya at pagkatapos ng ilang mga katanungan ay kinunan siya ng ‘samples’ para ekasaminin ang kaniyang sakit.

Matapos ang paghihintay, lumabas ang resulta na siya ay positibo sa COVID-19 sa mismong petsa ng kaniyang kaarawan kung saan ay magiging 25-anyos na siya.

“Ang hirap sa loob ko na kaarawan ko, wala akong kasama, isolated ako physically, mentally. Ang daming pumasok sa isipan ko na masasama, na bakit ako out of 105 million Filipino people? Nalungkot ako, sobra. Nalungkot ako na hindi ko alam ‘yung gagawin ko. Parang nawalan ako ng gana sa life. Parang naapektuhan ‘yung mental health ko. Parang nawalan ako ng goal so umiyak lang ako,” ayon sa pasyente na itinago bilang PH15 sa panayam ng ABS-CBN.

Takot at labis na pag-aalala ang naramdaman ni PH15 dahil sa napapabalitang wala pang naiimbento gamot laban sa nasabing virus, at hindi niya alam kung gagaling o makaka-recover siya sa kaniyang sakit subalit umaasa siya na makaka-survive o malalampasan niya ang pagsubok sa kaniyang buhay. (Dolly B. Cabreza)