Hindi dapat maalarma ang mga Bulakenyo dahil nananatiling nasa maayos na kalagayan sa isang goverment hospital ang biktima ng coronavirus disease o COVID-19 na tinawag ng Department of Health (DOH) na ‘Patient 21’ na tubong San Jose del Monte City, Bulacan habang umabot sa 16 ang naitalang Person Under Monitoring (PUM) sa lugar na pinanggalingan ng pasyente matapos ang contact tracing.
Kinumpirma nina SJDM City Mayor Arthur Robes at Lone Congw. Rida Robes, kasama sina City Health Officer Berhzaida Banaag at DILG City Director na stable ang kalagayan ng kababayan nilang nagpositibo sa virus at mismong ang city mayor ang nagpadala sa pasyente sa government hospital sa NCR matapos na magpa-check up ang biktima sa isang clinic sa lungsod.
Nabatid na nagpa-check si Patient 21 sa clinic sa lungsod matapos makaramdam ng sintomas ng virus at ni-refer siya sa private hospital na handang tumanggap ng mga pasyenteng may COVID-19, ngunit dahil sa kakapusan sa pinasyal na aspekto ay pumayag siyang magpadala sa goverment hospital upang sumailalim sa masusing eksaminasyon.
Sa isinagawang masusing contact tracing ng city health office, umabot sa bilang na 55 ang bilang ng PUM sa lungsod at tatlo sa mga ito ay kapamilya ni Patient 21 at lahat ng PUM ay sumasailalim sa home quarantine at nasa stable condition at patuloy na mino-monitor ng health officers sa umaga at gabi. (Jun Borlongan)